Huwag sanang magkamali si Pangulong Aquino na balewalain ang rekomendasyun ng Incident Investigation and Review Committee (IIRC) na siyang inatasan niyang mag-imbestiga sa nangyaring panghu-hostage ng mga turistang galing Hongkong noong Agosto 23.
Kung mangyari yun, kini-kinita ko, panibagong krisis ang haharapin ni Aquino. Dapat nyang malaman na ang taas na ng frustration level ng maraming sumuporta sa kanya noong eleksyun.
Sa kabila ng maraming palpak ng kanyang halos mag-isang daan araw ng kanyang administrasyon, hindi pa sya iniiwanan ng umaasa ng reporma sa pamahalaan dahil kumakapit pa rin ang marami sa kanyang pangako na matuwid na daan ang tatahakin niya.
Ngunit hindi bulag ang taumbayan na susunod lang sa kanya kahit lumilihis na siya ng daan at mukhang pumupunta sa baku-baku na daan. Baka dumeretso pa ito sa bangin.

