Sa “Strictly Politics” noong Martes ng gabi sa ANC (8 p.m.), sinabi ni Prof. Felipe Miranda ng Pulse Asia na humihingi si Gloria Arroyo ng kapahamakan (She is courting disaster) kung kakanselahin ang elections sa May 2007 para ipagpilitan ang Charter Change.
Sabi ni Prof. Miranda malaking bagay ang eleksyon sa mamamayan dahil yun lamang ang kanilang ideya ng partisipasyon sa pamahalaan. Maliban sa barangay kung saan magkakilala ang lahat at madali silang lumapit, ang pakiramdam nila napakataas at napakalayo ng national government. Tuwing eleksyon lamang sila pinapansin.
Paniwala nila sa tuwing eleksyon lamang sila binibigyan ng halaga at ayaw nilang alisin ang maliit na pagkakataon na yan.